Tuesday, March 10, 2009

DIYOS


Nakamulatan mo rin bang mayroong natatanging makapangyarihang Diyos na siyang lumikha ng kamunduhan at buong sangkatauhan? Ang salitang Diyos ay tunay na mahalaga kung kaya’t ito ang aking napili. Maaaring ito ay karaniwan nating naririnig at sinasabi ngunit marami sa atin ang hindi nagpapahalaga rito. Sa pagdaloy ng panahon na tayo’y nagkaisip, naunawaan nating ang buhay na ipinagkaloob sa atin ay hiram lamang. Tayo ay may hangganan din.

Sa kabila ng ating kaalamang mayroong Diyos, bakit nga ba tila tayo ay nakakalimot at di “SIYA” pinahahalagahan? Tayo’y naging manhid at abala sa kung anu-anong bagay, ngunit sa panahon ng kagipitan ay muli nating maaalalang Diyos ay tawagin. Masasabi kong higit na mahalaga ang paniniwala kaysa kaalaman lamang. Kasunod ng ating kaalaman at paniniwala ay ang pagsasabuhay ng mga ito sa ating mga gawaing pang-araw-araw. Inaalay ko ang bawat araw ng aking buhay sa ating Diyos at ito’y mananatiling umiikot sa kanya.

Siya ay Diyos ng pag-ibig; tunay na gumagabay at nanonood sa ating pang-araw-araw na ginagawa. Aanhin pa ang ganitong paniniwala kung hindi naman ito isinasabuhay. Kung ganito ang ating magiging pananaw sa buhay, saglit nating alalahanin: ano nga ba ang plano at misyon natin sa buhay? Magpasalamat tayo sa Diyos sa pagkakataon na mabuhay pa ng isang araw. Marami naman kasing bagay na maaaring gawin sa bawat araw na tayo’y humihinga pa. Gawin na ang mga kailangang gawin para di na magsisi. Hindi lang tao ang mamamatay, mas madaling mamatay ang pagkakataon. Oo nga, sinusubukan tayo ng buhay at magdadala ng malalakas na ihip ng pighati sa bawat pagsubok na tatahakin natin. Di dapat tayo sumuko. Dapat pasinagin ang apoy ng ating puso’t paniniwalang mayroong Diyos. Gumawa ng tama at nararapat lamang.

Di ba’t makabubuting sa takdang oras na tayo’y tawagin ay nakahanda ka na? Alalahanin nating may hangganan ang ating paglalakbay.

2 comments:

  1. Nalito ako sa iyo. DIYOS ang tinatalakay mo pero extraordinary ang nasa titulo ng blog mo, ano ba talaga? 85%

    ReplyDelete