Wednesday, March 11, 2009

ROSES & KISSES ni Maria Karina Gandola

I. Synopsis

Ang aklat na pinamagatang “Roses & Kisses” ay tungkol sa pag-ibig ng dalawang tao na sinubok na ng panahon. Sa edad na labimpito (17), unang dumating ang pag-ibig kay Chela Rosales, isang freshman sa Nursing. Si Jerome de Silva (18), isang sikat na basketball star, at scholar sa kanilang unibersidad ang lalaking kanyang iniibig. Siya naman ay isang sophomore sa kursong electrical engineering. Maliban sa pagiging sikat at matalino ni Jerome, idagdag pa na maraming babae ang naghahabol sa kanya. Si Lyn na isa sa mga kaibigan ni Chela ang siyang nagpakilala sa dalawa sa isa’t-isa.

Nagkamabutihan ang dalawa at nauwi sa pagiging magkasintahan. Tutol ang mga magulang ni Chela na magkaroon na siya ng isang nobyo. Subalit ang kanilang puso ang siyang nagtutulak na sila ay magmahalan maging patago man ito. Nanatiling isang lihim ang kanilang relasyon ngunit hindi nagtagal ay nabunyag din ito. Si Judy na isa rin kaibigan ni Chela ang siyang nagsumbong kanila Aling Milagros at Mang Fredo, magulang ni Chela, tungkol sa relasyon at patuloy na pagkikita ng dalawang magkasintahan. Pilit na itinanggi ni Chela ang mga inaakusa sa kanya ng kanyang mga magulang at ito naman ay hindi ikinatuwa ng kanyang inay at itay at siyang ikinagalit nila. Datapwat ganito ang kanilang relasyon, nanatili parin magkita si Chela at Jerome hanggat sa dumating ang pagkakataon na kinailangan na nilang umiwas sa isa’t-isa para narin sa ikabubuti nila.

Isang araw ay bumisita si Chela sa dormitoryo ni Jerome at siya ay may nadatnang babae na natutulog sa kama nito. May narinig din siyang naliligo sa banyo at kaagad niyang isinaisip na ito ay si Jerome kaya’t hindi na siya nag abala pa na silipin ito at siniguradong ang babaeng nasa kama nito ay babae niya. Lubhang nasaktan si Chela kaya’t siya ay nagpasiya na umalis at pumunta sa Maynila at manirahan sa bahay ng kanyang Tiya Linda. Umalis siya na may poot at galit sa puso. Sa Maynila narin siya nagtapos ng kolehiyo.

Sa paglipas ng panahon, si Chela ay isang pledge nurse na at nagkaroon siya ng pagkakataong bumalik sa Dumaguete upang magbakasyon. Dito ay nabigyan siya ng oportunidad na magtrabaho bilang nurse sa General Hospital sa kanilang bayan. Ito ay kanyang tinanggap. Dito sa ospital ay muling nakita niya ang babaeng minsan niyang nadatnan sa kama ni Jerome. Siya ay nagulat nang malaman niya na ito pala ay kasintahan at ngayon ay asawa na ng pinsan ni Jerome na si Filemon. At dahil sa rebelasyon na ito, naliwanagan si Chela na siya ay nagkamali sa kanyang mga isinaisip noon at tunay nga na mahal siya ni Jerome. Sa huli ay nagkatuluyan ang dalawa na siya naming ikinatuwa nila maging ng kani-kanilang mga magulang.

II. Pagsusuri

Halong moderno at radikal na estilo ang ginamit ng may-akda sa partikular na aklat na ito. Ang lengguwahe ng awtor/tagapagsalaysay ay moderno sapagkat siya ay gumamit ng mga salitang ginagamit at maririnig sa kapanahunan natin ngayon. Ang tipo ng lengguwahe na ginamit niya rito ay madaling maintindihan lalong-lalo ng mga kabataan sapagkat ang mga salitang nabanggit sa libro ay siyang mga salita na ginagamit ng mga kabataan sa ngayon. Simple lang ang kanyang pananalita sa kanyang akda. Ukol naman sa himig ng pagkakasuklat ng may akda, sa unang parte ay payapang dumadaloy ang pagsasalaysay ngunit sa bandang kahulihan ay rumaragasa na ito. Impormal at bulgar ang paglalahad ng awtor sa kanyang akda. May malisya sa pagkakasabi sa ilan sa mga salita sa aklat at ito ay may kulay at tono kaya naman masasabi na konotasyon ito. Ang lebel ng lengguwahe ng may-akda ay masasabing wasto kung ito ay ipinararating ng awtor sa henerasyon ngayon; sa mga kabataan na tiyak ay nakakasalimuho o makakasalimuho rito. Sa aking palagay ay hindi isang master o dalubhasa ang nagsulat sa akdang ito dahil narin sa ilang balbal at gasgas na mga salita na ginamit nito. Makikita rin sa akdang ito ang paggamit ng mga tayutay. Halimbawa nito ay ang pagkukumpara ni Jerome sa matatamis na halik ni Chela sa mga rosas (Simile).

III. Kongklusyon / Rekomendasyon

Masaya ang pagkakatapos ng kwento sa aklat na ito. Ika nga isang “Happy Ending” sa salitang Ingles. Kahit na madaming tumututol sa pag-iibigan ni Chela at Jerome, sa huli ay nagkatuluyan at nagsama padin sila at lahat ay naging masaya. Masasabing pangkaraniwan ang kwentong ito sapagkat madami nang akda ang may ganitong istorya. At dahil narin dito, madaling maisasaisip ng kahit na sino ang kahihinatnan ng kwento.

Ang aklat na ito ay hindi talaga kinakailangang basahin. Kung ang intensyon ng isang tao ay magpalipas ng oras sapagkat siya ay walang magawa, maaari niyang isingit sa kaniyang oras ang pagbabasa ng aklat na ito. Ngunit hindi niya ito kinakailangang basahin o tangkilikin kung tunay na mahalaga ang bawat oras sa buhay niya.


2 comments: